News and Events

Opisyal na Pahayag Tungkol sa Naudlot na Karagdagang 3 Mega-Watt Power Supply Contract at Iba pang Isyu

Upang matugunan ang patuloy na pag-unlad ng mga bayan ng Jaen, Cabiao, San Antonio, San Isidro at siyudad ng Gapan at ang tumataas na pangangailangan sa kuryente ng mga konsyumer dito, minarapat ng pamunuan ng NEECO 1 at ng tumatayong hunta direktiba nito sa mahigit na dalawampung taon na Multi-Sectoral Executive Council na magsagawa ng competitive selection process (CSP). Ang bidding procedure na ito ay nilahukan ng dalawang kumpanya kung saan ang SN Aboitiz Power-Benguet ang hinirang na nanalo dahil ito ang nakapagtala ng most responsive and lowest-calculated bid para sa karagdagang power requirement na 3 MW ng NEECO 1.
Ang mahabang proseso ay dumaan sa pagsusuri at regulasyon ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE), at National Electrification Administration (NEA). Sumunod ang NEECO 1 sa pagsusumite ng lahat ng dokumento at pagdaan sa ligal na proseso upang masiguro ang maayos na pagkamit sa magandang hangarin nito. Sa huling bahagi ng paghihintay sa pag-apruba ng Energy Regulatory Commission, natanggap ng NEECO 1 ang malungkot na balita noong Agosto 11, 2022 na hindi sinang-ayunan ng Komisyon ang pagpapatuloy ng paggawad ng kontrata sa SN Aboitiz Power-Benguet sa kadahilanang base sa kanilang pagsusuri, wala raw otoridad o kapangyarihan ang MSEC na magtatag ng third-party bids and awards committee (TPBAC) para pamahalaan ang competitive selection process. Ang TPBAC ay kinabibilangan ng mga kawani ng NEECO 1 at mga kinatawan mula sa mga konsyumer.
Ito ang unang pagkakataon na hindi inaprubahan ng ERC ang pagpasok sa kontrata ng NEECO 1 dahil sa pagkuwestiyon sa katayuan ng MSEC na dati naman nang inapruba noong mga nagdaang taon nang pumasok ang NEECO 1 sa power supply agreement sa First Gen Hydro Power Corporation, Aboitiz Power Renewables, Incorporated, at sa kasalukuyang supplier natin na GNPower Dingnin Ltd.
Sa kasalukuyan ay inihahanda na ng legal counsel na kumakatawan sa NEECO 1 ang pakikipag-ugnayan sa Energy Regulatory Commission para sa susunod na hakbang na maaaring gawin matapos hindi maaprubahan ang dapat na karagdagang power supply contract.

Nauunawaan ng NEECO 1 ang saloobin ng ating mga member-consumer-owners sa pangyayaring ito. Inaako ng NEECO 1 ang responsibilidad sa isyung ito at nangangakong inaayos nito ang pakikipag-ugnayan sa ERC at sa NEA upang maisakatuparan nang walang antala at balakid ang pagkakaroon ng karagdagang power supply contract nito na tutugon sa ating power requirement at tinatayang magpapababa rin ng ating total effective rate sa pamamagitan ng blended rate scheme kung saan maghahalo ang generation charge ng GN Power na patuloy na tumataas dahil sa halaga ng coal at ng bagong mapipiling ka-kontrata na sinisikap ng NEECO 1 na humanap ng isang kumpanya na mayroong planta ng renewable energy.
Bagamat mainit na ang isyu sa pagtaas ng halaga ng kuryente na nararanasan hindi lamang sa buong bansa kung hindi sa ibang bahagi din ng mundo, nanatili ang pagpapahalaga ng NEECO 1 sa malayang pagpapahayag ng opinyon sa social media ngunit mariin nitong pinasusubalian at kinokondena ang pagpapakalat ng maling balita (fake news), at maling pagpaparatang ng walang tamang basehan sa mga kawani nito, sa dating punong tagapamahala, bagong talagang officer-in-charge, at higit sa lahat, sa Multi-Sectoral Executive Council tungkol sa paksang ito.
Ang patuloy na pagtaas ng halaga ng generation charge na pangunahing nagpapataas sa ating electric bill ay isang mabigat na suliranin na pinagsusumikapan ng NEECO 1. Bagamat nauunawaan ng pamunuan ang damdamin ng mga konsyumer, nananawagan pa rin ang NEECO 1 para sa dagdag na pang-unawa na huwag namang mawalan ng saysay ang mga magagandang naisakatuparan ng NEECO 1 at isasakatuparan pa nang dahil sa isyu na wala itong direktang kontrol.
Makakaasa naman ang mga member-consumer-owners na patuloy na pagpupursigihan ng NEECO 1 ang pagsasaayos sa serbisyo at iba pang aspeto ng pamamalakad nito base sa mga nakalap na suhestiyon sa mga dayalogo, liham, e-mail, at sa social media.

Sa kabila ng mga mabigat na pinagdadaanan at kagaya ng napagtagumpayan na sa mga nagdaang panahon, magpapatuloy ang NEECO 1 sa pagbibigay ng serbisyong may kalidad na magsisilbing tanglaw sa pag-unlad.
Maraming salamat.

 

 

 

ANNOUNCEMENTS

Power Outlook

Save Energy!

Featured Videos

FAQs